Pagiging Makabayan, Isinulong sa Araw ng Pag-alala sa Pambansang Bayani

Bilang pag-alala sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal, nag-organisa ng Rizal Day Celebration ang lokal na pamahalaan noong ika-30 ng Disyembre kasabay ng Year-End Report sa Municipal Plaza kung saan ibinalita sa publiko ang mga naging tagumpay ng munisipyo sa pangunguna ng administrasyong Quiambao-Sabangan sa taong 2018.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Municipal Legal Officer Atty. Raymundo B. Bautista ang pagmamahal sa sariling bayan. Ayon sa kanya, “Malaya tayo, ang bayan ng Bayambang, sapagkat nilabanan natin ang korapsyon, kriminalidad, at kahirapan.” Dagdag pa niya, ang tatlong K na kailangan para magtagumpay sa rebolusyon laban sa kahirapan ay ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. at ang katangi-tanging Mayor na si Dr. Cezar T. Quiambao, ang ama ng bayan na siyang nagdeklara ng pinakamalaking rebolusyon sa Bayambang. Ibinahagi ni Atty. Bautista na sa nakaraang labimpitong taon ay parating nasa Bayambang si Mayor Quiambao tuwing panahon ng Kapaskuhan para pangunahan ang kanyang programang Pamaskong Handog kasama si dating Konsehal Levin N. Uy.

Binanggit ng Municipal Legal Officer ang iba’t ibang mga nakamit na tagumpay ng munisipyo sa pamamahala ng administrasyong Quiambao-Sabangan. “Sa lahat ng mga gawaing ito ng ating mahal na Mayor at mga kawani ng ating gobyerno sa loob ng tatlong taon, tayo ay naging consistent na awardee ng Seal of Good Local Governance na pagkilala sa katapatan at sa kahusayan ng pamahalaang lokal,” aniya.

“Sabay-sabay tayong magpasalamat sa mga magagandang nangyari at magpasalamat sa mga challenges na naging rason para tayo ay mas maging matatag,” sabi naman ni Vice Mayor Raul R. Sabangan sa kanyang mensahe. Hiniling ng bise alkalde na ipagpatuloy ng bawat Bayambangueño ang pagmamahalan at pagkakaisa sa darating na 2019 upang sa ganoon ay magtuluy-tuloy rin ang pagiging progresibo ng bayan.

Ayon kay Mayor Quiambao, malayo na ang narating ng Bayambang, ngunit marami pang kailangang gawin at ayusin. “Gawin nating inspirasyon si Dr. Jose Rizal bilang modelo ng pagiging makabayan at hindi makasarili,” aniya.

Bago matapos ang gabi ay maraming Bayambangueño ang nakatanggap ng cell phone at iba’t ibang appliances sa ginanap na raffle.

Nagliwanag naman ang kalangitan dahil sa fireworks display na inihandog nina Mayor Quiambao at Vice Mayor Sabangan para sa mga Bayambangueño para sa nalalapit na pagsalubong ng Bagong Taon.

Arrow
Arrow
Slider