Annual Budget ng LGU at Newly Created Positions, Aprubado na sa Committee Level

Dahil sa patuloy na pagta-trabaho ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Raul R. Sabangan at sa ilalim ng liderato ni Mayor Cezar T. Quiambao, naaprubahan na sa committee level ang P468,598,817.45 na total appropriation para sa Annual Budget ng LGU Bayambang sa taong 2019, matapos matagumpay na idepensa ng mga opisyales ang naturang budget sa harap ng Local Finance Committee ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-17 ng Disyembre sa Kapitolyo.

“The Local Finance Committee in compliance with Section 316 of the Code has conducted preliminary review on said budget and reveals substantial compliance with the same law and its Implementing Rules and Regulations,” nakasaad sa sulat ng komite.

Naaprubahan na rin sa committee level ang paglikha ng 64 na bagong posisyon sa munisipyo. Sa “An Ordinance Creating Various Positions in the Municipal Government of Bayambang and Determining its Qualifications, Power, Duties and Functions,” na inisponsoran ni Kagawad Benjamin de Vera, lumikha ng 69 na bagong posisyon para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan, at 64 dito ang naaprubahan na ng Local Finance Committee, at ang natitirang lima ay kailangan lamang ng kaunting rebisyon upang maisaayos.

Bukod dito ay naideklara nang “operative in part” ang P37,472,378.54 na budget para sa Special Economic Enterprise na kinabibilangan ng Public Market at ng Ecological Solid Waste Management Office.

Ang mga ordinansang ito ay magsisiguro ng patuloy na pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng administrasyong Quiambao-Sabangan para sa taong 2019.

Arrow
Arrow
Slider