Padyak Laban sa Kahirapan Year 2, Tagumpay

Padyak Laban sa Kahirapan, Muling Matagumpay sa Ikalawang Taon

Matagumpay na inihatid ng Quiambao-Sabangan administration sa ikalawang pagkakataon ang ‘Padyak Laban sa Kahirapan’ noong Agosto 26, sa isang katuwaang 26.50 km bicycle race na umikot sa bayan at kabukiran ng Bayambang simula sa harap ng Municipal Hall.

Ito ay bilang pag-selebra sa Pambansang Araw ng mga Bayani, kasabay ng pagdiriwang sa ikalawang anibersaryo ng deklarasyon ni Mayor Cezar T. Quiambao ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan, at sa pag-oorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, Municipal Physical Fitness and Sports Development Council, Sangguniang Kabataan Federation, at Kasama Kita sa Barangay Foundation.

Kabilang sa sponsors ng event ay si 3rd District Board Member Vici Ventanilla.

Naroon sina Vice-Mayor Raul R. Sabangan, Councilor Philip R. Dumalanta, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., BPRAT chairman Dr. Joel Cayabyab, at iba pang mga LGU department head upang magpahayag ng suporta.

Nakaantabay naman ang PNP, MDRRMO, POSO, RHU 1 at RHU 2 sa tinahak na ruta upang siguraduhing masaya at ligtas ang event na ito. Kasama rin ang GSO, ICT, PIO, Volunteer Animal Kingdom, at Bambike sa mga tumulong na maging matagumpay ang ‘Padyak’ Year 2, na nilahukan ng 250 na siklista.

Matapos ang padyakan ay isang raffle contest ang ginanap sa Balon Bayambang Events Center, na kung saan tatlong bisikleta at labing-dalawang P500 cash prizes ang ibinigay sa mga nabunot.

May 705 pares ng tsinelas ang nagsilbing ‘entrance fee’ ng mga siklista, at bukod dito ay may 200 na adisyunal na pares ang dinonate ng KKSBFI. Ang mga ito ay nakalaan sa mga lokal na kabataang kapuspalad.

 

Arrow
Arrow
Slider