San Gabriel 1st at Pugo Evacuation Centers, Inayos Bilang Quarantine Facility

San Gabriel 1st at Pugo Evacuation Centers, Inayos Bilang Quarantine Facility

Simula noong Abril 29, isinaayos ng lokal na pamahalaan ang San Gabriel 1st Evacuation Center at Pugo Evacuation Center bilang mga quarantine facility para sa mga Bayambangueño na nagpumilit makauwi sa kabila ng enhanced community quarantine.

Ayon kay Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, karamihan sa kanila ay mga displaced workers galing Maynila, Bulacan, Pampanga, at Sison, Pangasinan. Ang mga nagsipag-uwi ay naunang hinarang ng kapulisan sa boundary checkpoint sa Brgy. Tampog at ginawan ng isang holding area bago ilipat sa mga evacuation center.

Matapos linisin, idisinfect, at lagyan ng imbakan ng tubig ang dalawang evacuation center, ginawan ng partitions ang mga tulugan na idinonate ng mga kababayan. Binigyan din ng pagkain araw-araw, inuming tubig, at personal hygiene kits ang mga itinuring na persons under monitoring.

Upang hindi mainip ang iba’t-ibang batch ng mga naka-quarantine, naglunsad din ang LGU ng mga aktibidad para sa kanila. Kabilang dito ang backyard gardening sa tulong ng Agriculture Office, exercise sa pamamagitan ng Zumba dancing, medical check-up, psychological assessment, spiritual counseling sa tulong ng mga pari, information campaign ukol sa COVID-19 at iba pang isyung pangkalusugan, at information campaign ukol sa droga at violence against women and chidren sa tulong ng pulisya.

Nagbigay ng paalaala ang RHU ukol sa mga ‘do’s and don’ts’ pagbalik sa komunidad. Ang PNP ay tumalakay naman sa ‘do’s and don’ts’ ukol sa pagpapanatili ng kalinisan ng lugar.

Nang matapos ng isang batch ang 14 na araw ng quarantine ay nagkaroon ng isang simpleng ‘graduation ceremony’ kung saan nakatanggap ang mga ‘graduates’ ng certificate. Ayon kay Dra. Vallo, as of May 2, mayroong 41 katao ang napagraduate na sa San Gabriel 1st Evacuation Center. Sa sumunod na linggo ay may 30 katao naman ang ‘grumadweyt’ mula sa Pugo Evacuation Center.

Ang proyektong ito naging posible sa pagtutulungan ng MDRRMO, RHU I at II, Engineering Office, General Services Office, PNP-Bayambang, at BFP-Bayambang.

Samantala, nakipag-ugnayan naman ang Tourism Office sa isang pribadong accommodation para sa mga umuwi at pinauwing OFW. Dito sila nanatili ng pansamantala alinsunod sa circular na ipinadala ng Department of the Interior and Local Goverment, Department of Foreign Affairs, at Overseas Workers Welfare Administration.

(Photos by MDRRMO, RHU I)

Arrow
Arrow
Slider