52 Kambing para sa Goat Dairy Project, Dumating Na

Kalahati ng kabuuang bilang ng mga alagang kambing para sa Sustainable Livelihood Program na “Goat Dairy Project” ay dumating na sa bayan ng Bayambang noong ika-26 ng Abril.

 

Ang mga ito ay mula sa proyekto ni Sen. Cynthia Villar na nakarating sa bayan dahil na rin sa pakikipag-ugnayan ng LGU Bayambang sa kaniyang opisina, partikular na ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, OIC Municipal Agriculturist Zyra Orpiano, at Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario at ang kanyang buong veterinary team.

 

Ang naunang batch ng mga kambing na naipadala ay pansamantalang mananatili sa pribadong goat farm facility ni LGBTQI President at agri-preneur Sammy Lomboy Jr., matapos nitong magboluntaryong ipahiram ang kaniyang pasilidad.

 

Aniya, “Since I am an advocate of Sustainable Livelihood Programs and sa pagmamahal ko kay Mayor Cezar at Mayora Niña, pumayag ako na maging consultant ng project na ito at ipagamit ang aming Goat

Farm Facility ng pansamantala at libre hanggang mailipat sa permanent housing ang mga ito sa Brgy. Mangayao.”

 

Si Lomboy ay personal na kinumbinsi ng First Couple upang maging consultant ng naturang proyekto sapagkat nakakitaan nila ito ng angking husay sa pagpapatakbo ng kaniyang mga negosyo lalo na sa farming business. Malaking tulong para sa kaalaman sa matagumpay na pagsasaka at pagnenegosyo ang maiaambag nito para sa kanyang mga kapwa Bayambangueño katuwang ang Mangabul Seed Growers Cooperative na siyang mamamahala sa naturang proyekto.

 

Sa kasalukuyan ay naging parte na ng BPRAT si G. Lomboy at inaasahang marami pang mamamayan ang mahihikayat at magkakaroon ng inspirasyon upang maging ganap at matagumpay na magsasaka tulad niya.

Samantala, kasalukuyan nang ipinapatayo ang housing facility sa Brgy. Mangayao para sa mga naturang milking goats.

Arrow
Arrow
Slider