Pagkatapos ng isang thanksgiving mass para sa School Year 2024-2025, pormal nang binuksan ang Don Teofilo C. Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue, noong ika-29 ng Hulyo 2024.
Ang DTCMMS ay isang paaralan kung saan ang paunang tatlong classroom at Principal’s Office nito ay naipatayo, salamat sa donasyon ng pamilya Jose-Quiambao sa pamamagitan ng Kasama Kita sa Barangay Foundation sa lupang donasyon naman ng pamilya ni Don Teofilo Mataban.
Ang paaralan ay ipinatayo ng LGU matapos mapag-alaman ng Local School Board ang pagkakaroon ng mataas na drop-out rate sa mga mag-aaral sa barangay. Dati-rati kasi ay kinakailangan pang mag-enrol ng mga kabataan sa pinakamalapit na paaralan sa karatig-barangay na Amanperez upang makapag-aral lamang sa elementarya.
Ang bagong paaralan — na may tatlong classroom at isang Principal’s Office — ay magsisilbing pangalawang tahanan at bagong pag-asa ng mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 3 na hindi na kakailanganin pang dumayo at mag-enrol sa Amanperez ES upang mapakapag-aral.
Naroon sa inagurasyon sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at Local School Board Executive Director Rolando Gloria bilang mga kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao at ng LGU, kasama si KKSBFI COO Romyl A. Junio. Nirepresenta naman ni Mr. Rogelio Casipit si Mr. Josefino T. Mataban at ang pamilya Mataban.
Mula sa DepEd, naroon sina Bayambang I PSDS, Dr. Longino D. Ferrer; SDS Mme. Fatima R. Boado; ASDS, Dr. Arlene B. Casipit; Mangatarem PSDS, Dr. Angelita V. Muñoz; DTCMMS Interim Principal Jenny Jacob Marquez, Ligue Punong Barangay Jessie de Vera; at dating Ligue Punong Barangay Luis Castro.
Si Rev. Fr. Jose Nazareno S. Gabato naman ang nagsilbing mass presider. (SJGG, RSO; JMB)