Ang ika-126 na taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay ginunita ng LGU-Bayambang sa harap ng Municipal Hall noong June 12, 2024.
Pinangunahan ang simpleng seremonya ng mga Sangguniang Bayan members, department at unit heads, empleyado ng LGU, mga Punong Barangay at barangay officials, Sangguniang Kabataan, at PNP at BFP officers at personnel.
Sa pag-oorganisa ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office, ang lahat ay nagtipon-tipon upang parangalan ang makasaysayang araw na ito nang may sigla at maalab na damdaming makabayan.
Mula sa pagtaas ng watawat ng Pilipinas hanggang sa natatanging mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ng isang AVP, ang mga dumalo ay nakinig sa mga katagang may kaugnay sa temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng pagkakaisa, pangangalaga sa kalayaan, at pagpapahalaga sa demokrasya. Aniya, ang paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Bayambang ay ‘di lang isang pagpupugay sa mga sakripisyo ng ating mga bayani at ninuno. Ito ay isa ring “panawagan na magpursigi sa paghahangad ng maningning na kinabukasan para sa lahat ng Pilipino, na nakaugat sa diwa ng kalayaan, ginagabayan ng mga aral ng kasaysayan, at nililiwanagan ng pangako ng mas maliwanag na bukas.” (ni Ray Hope O. Bancolita/RSO; JMB, Ace Gloria, Andrew Casipit)