Masayang nakiisa ang mga Bayambangueño, kabilang ang mga kawani ng LGU at kanilang pamilya, mga 77 Punong Barangay, at SK officials, sa ginanap na kauna-unahang LGU Family Fun Run, bilang sabayang pagdiriwang ng apat na okasyon at launching naman ng isang programa.
Ang mga ito ay ang 50th National Nutrition Month, National Disaster Resilience Month, National Disability Prevention and Rehabilitation Week, at 29th Police Community Relations Month, at ang paglunsad ng programang “Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan” (BIDA) ng DILG.
Ang fun run ay nag-umpisa sa harap ng munisipyo, noong ika-6 ng Hulyo, 2024, at inorganisa sa pagsasanib-pwersa ng limang departamento at ahensya: MNAO, MDRRMO, MSWDO, PNP, at DILG.
Ang aktibidad ay naging kakaiba sapagkat ang bawat kalahok ay kinailangang magdala ng isang bougainvillea plant bilang pagsuporta sa programa ni Mayor Niña Jose-Quiambao na ‘Bali-Bali Bayambang 2.0.’
Pagkatapos ng 3.5-kilometrong takbuhan sa paligid ng Poblacion, natuwa ang mga kalahok sa pagkakaroon ng isang raffle draw sa Public Auditorium bilang surpresa, kung saan sila ay tumanggap ng samu’t-saring papremyo galing sa inilaang P100,000 ni Mayor Niña Jose-Quiambao mula sa sariling bulsa. Bukod pa ito sa mga raffle items mula sa LGU, PNP, at private donors.
Bumisita sa programa ang Provincial Health Team Leader ng Department of Health (DOH)-Pangasinan, Dr. Veronica De Guzman, na siyang tumayong representante ni Dr. Paula Paz Sydiongco, ang DOH Regional Director ng Region 1. Naroon din sina Ms. Jovita Leny Calaguas, Nutritionist-Dietitian IV, Center for Health Disease-DOH Region 1; at Mr. Kendall Pilgrim Gatan, OIC-Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council-Region 1.
Ang fun run ay may 614 total participants.
Kabilang sa mga naging donors/sponsors ang Ashley Pizza, Zappi Pizza, Butter World Superbakeshop, Mrs G Cake Shop Corporation, Pares ni Junel, MGF Street Food, Jelexie, Coffee Tayo, Takoyaki, Princess Cassava Cake, Bio Tech Corporation (Yakult), National Dairy Authority-Northern Luzon Department, at Idol and Bestfriend Shawarma.
Sa pamamagitan ng Family Fun Run, ang mga pamilya sa komunidad ay nabigyan ng pagkakataon na mag-ehersisyo ng sama-sama, at maipakita ang suporta sa mga mahahalagang adbokasiya para sa kalusugan, karapatan ng mga PWD, kahandaan sa kalamidad, pag-iwas sa droga, at kaligtasan at kapayapaan ng komunidad kung saan kabalikat ang ating kapulisan.
Ang National Nutrition Month ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng maayos na nutrisyon, samantalang ang National Disaster Resilience Month naman ay nagtatampok ng kahandaan sa kalamidad. Ang National Disability Prevention and Rehabilitation Week ay naglalayong suportahan ang mga may kapansanan at isulong ang kanilang kapakanan.
Ang Police Relation Community Month ay nagnanais na palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad, at ang “Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan” program ng DILG ay may layuning labanan ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa mga kabataan sa pamamagitan ng wholesome activities gaya ng idinaos na fun run. (VMF/RSO; AG)