Konsultasyon ukol sa Septage Management Program at Health and Sanitation Ordinance, Isinagawa ng SB sa Brgy. Malimpec

Noong Lunes, August 14, 2023, sa ganap na 1:00 PM ay ginanap ang pinakaunang konsultasyon ukol sa Septage Management Program sa Brgy. Malimpec Covered Court. Sa tulong ni Kgg. Brgy. Captain Richard Pulhin, mga barangay official at staff, ang Sangguniang Bayan (SB) ay nagbigay kaalaman sa mga taga-Brgy. Malimpec patungkol sa mga panukalang ordinansa na “Septage Management Program” at “Health and Sanitation” sa ating bayan ng Bayambang. Ito ay dinaluhan ng higit 100 na katao.

Dito ay tinalakay at ipinaliwanag ang mga alintuntunin at proseso sa mga programang ipatutupad sa ating bayan alinsunod sa Republic Act 9275 o “Clean Water Act of 2004.”

Layunin ng konsultasyon na ito na ipaaalam sa lahat ng mamamayan ng Bayambang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Septage Management Program/Water Treatment Facility, dahil ang Septage Management Program ay isasagawa upang mapangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng mamamayan at mapanatiling malinis ang tubig sa bayan ng Bayambang.

Kasama na ring pinag-usapan ang Environmental or User Fee na babayaran para naman sa pagha-haul o pagsipsip ng mga septic tank sa lahat ng kabahayan o pribado o pampublikong establishment sa bayan ng Bayambang.

Pinangunahan ang konsultasyon ng mga konsehal ng bayan, Kgg. Jose ‘Boy’ Ramos, Kgg. Benjie de Vera, Kgg. Amory Junio, Kgg. Martin Terrado II, at Kgg. Philip Dumalanta, sa pag-oorganisa ni SB Secretary Joel Camacho at staff. Naroon din para magpresenta ng kani-kanilang technical knowledge ang mga pinuno at representante ng BayWad, RHU, ESWMO, at Engineering.

Ang konsultasyon na ito ay isasagawa sa lahat ng 77 barangay ng Bayambang. Maghintay lamang ng update mula sa inyong mga barangay para sa schedule ng oryentasyon o announcement mula sa Balon Bayambang FB page.