Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang kick-off ceremony para sa pagdiriwang ng ika-pitong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan noong August 19, 2024, sa Balon Bayambang Events Center.
Sa pag-oorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa ilalim ni Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad, tinalakay rito ang malaking problema ng korapsyon bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng kahirapan sa komunidad.
Ang usapin ay dinaluhan ng mga SK chairpersons, Punong Barangay, municipal officials, LGU employees, national agency partners, at Bayambang Polytechnic College students.
Pag-uudyok ni Atty. Vidad sa kanyang panimulang mensahe, “Let our leadership be our legacy. Plant the seeds of goodness, honesty, transparency, kindness, and excellence.”
Naging resource speaker naman ang suki ng LGU na si Pastor Jeff Eliscupidez ng Rebuild City Church. Ayon sa kanya, ang competence ay maaaring magbukas ng mga pinto at maghatid sa isang tao sa posisyon ng pamumuno, ngunit ang karakter ang tunay na susi upang manatili rito. Idinagdag pa niya na ang tiwala ang pinakamahalagang sangkap sa pamumuno upang maiwasan ang korapsyon.
Sa nasabing pagtitipon, kitang-kita ang direktang koneksyon ng mabuting pamamahala at tapat at dedikadong paglilingkod-bayan sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Bayambangueño at pagpapalawig ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan. (APV/RSO; AG)