Kultura ng Bayambang, Ibinida sa Pagtatapos ng Region I Leg ng DOT Philippine Experience Program

Noong March 21, 2024, napili ang bayan ng Bayambang bilang host sa pagtatapos ng Ilocos Region leg ng Philippine Experience Program ng Department of Tourism, at ang closing ceremonies ay ginanap sa Pavilion 1 sa St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Ito ay dinaluhan nina DOT Region 1 Director Joseph Francisco ‘Jeff Ortega at ilan sa pinagkakapitagang personalidad sa Department of Tourism gaya nina Assistant Secretary for Tourism Regulation, Coordination, and Resource Generation Maria Rica C. Bueno at

Presidential Assistant for Northern Luzon Ana Carmela Ventura Remigio.

Kasunod nito ay nagbigay ng kanya-kanyang impresyon sina Ambassador of Thailand, His Excellency Tull Traisorat, Asst. Tourism Attaché of Malaysia, Ms. Rihanna Binti Dahalan, Cezar Cruz ng Philippine Tour Operation Association at National Association of Independent Travel Agencies, at Peter Tay ng Tourism Congress of the Philippines.

Ang mga bisita ay winelcome ni Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice Mayor Ian Camille Sabangan, kasama ang iba pang Sangguniang Bayan members, at buong team ng MTICAO sa pamumuno ni Dr. Rafael L. Saygo. Dumalo rin si Bb. Bayambang Tourism 2023 Aliyah Macmod, at mas lalong pinasaya ang okasyon ng mga street dancer mula Tococ National High School at ang award-winning local dance group na United Alliance ng M.H. Del Pilar. Sila ay pinatikim ng mga produkto ng Bayambang tulad ng fish buro, mga kakanin (latik, sapin-sapin, atbp.), Bani Delicious Ice Cream, Bayambang’s Best Longanisa, at O-Krantz vegetable chips at salsa.

Sa kanyang pambungad na mensahe, lubos ang pasasalamat ni Mayor Niña, na “sa 44 na munisipalidad at 4 na lungsod sa Pangasinan, ang bayan ng Bayambang ang isa sa dalawa lamang na napilig maging tourism destination sa probinsya ng Pangasinan sa pinakabagong promotional effort na ito ng DOT.”

Ang Philippine Experience Program ay isang heritage, culture, and arts caravan na naglalayong magbigay ng pagkakataon sa mga turista na bisitahin hindi lamang ang mga pangunahing destinasyon ng turista tulad ng beaches at mountain resorts, kundi pati na rin ang mga hindi gaanong kilalang destinasyon upang maranasan ang kanilang mga festival, pagkain at lokal na produkto at suportahan ang pangangalaga ng mga masining na kayamanan ng bansa at pamana ng ating kultura. Ang PEP ay hindi lamang tungkol sa mga tanawin, tunog, at karanasan, kundi tungkol din sa mga manggagawa sa turismo at sa mga masisipag na tao sa likod ng industriya.

(nina Daryl M. Mangaliag, Angelica C. Arquinez/RSO; larawan nina JMB, Ace Gloria)