Muling nakiisa ang bayan ng Bayambang sa 2nd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), kung saan muling hinasa ang publiko sa simulation exercise o makatotohanang pagsasadula ng mga sitwasyon na maaaring mangyari kapag may di inaasahang pagyanig, upang sa gayon ay maiiwasan ang pagpanic at gayundin ang disgrasyang kaakibat nito.
Noong June 28, 2024, sama-sama at sabay-sabay ng nag-duck, cover and hold at kalmadong naglakad patungong open grounds ang mga LGU employees at opisyales ng 77 barangays.
Ang nabanggit na drill ay pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at tumulong na nag-assist naman ang BSPO, BFP, PNP, at ang mga 104th Philippine Army reservists.
Ang MDRRMO ay nagtala ng kabuuang 559 na kalahok sa nasabing aktibidad, na parte ng pinag-ibayong programa ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ipinatutupad sa mga LGU upang ipaalam sa madla ang importansya ng kahandaan sa oras ng lindol, lalo na ng tinatawag na “the big one.” (RSO; MDRRMO)