Mga Miyembro ng BPSO, Muling Nagpakita ng Katapatan

Muli na namang nagpakita ng katapatan ang mga miyembro ng BPSO sa pagsasauli ng isang wallet na naglalaman ng pera.

Isang Lay Rescuer ang nakapansin at nakapulot ng wallet na naglalaman ng pera.

Ang nasabing pitaka ay napulot ng isang BPSO Lay Rescuer na si Joe Felomino Datuin sa harap ng Municipal Hall noong Oktubre 9, 2023. Ayon sa kanyang salaysay, isang nakatricycle na lalaki ang nakita niyang nakahulog ng naturang wallet sa daan, kaya agad niya itong pinulot at ipinagbigay-alam sa tanggapan ng departamento upang kaagad maibalik ito sa nagmamay-ari.

Sa araw ding iyon, ang nasabing wallet ay naibalik sa tunay na nagmamay-ari na si Jeremy P. Junio. Ito ay naglalaman ng pera na umabot sa P9,700 at personal itong inabot ni BPSO Chief Ret. Col. Leonardo F. Solomon.

Laking pasasalamat ng nagmamay-ari sa nakapulot at sa departamento.

Ayon sa BPSO, “isa lamang ito na magpapatunay ng katapatan ng mga miyembro ng departamento sa kanilang tungkulin bilang kawani ng gobyerno, at nagpapakita ng mataas na antas ng disiplina at moralidad habang patuloy sa pagbibigay-serbisyo sa mga kapwa Bayambangueño.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *