Madaling araw ng Sabado, January 12, sinubukang kontakin ni SLEO Gernalyn Santos gamit ang kanyang Messenger ang isang Bayambangueñang OFW sa Brunei na humihingi ng tulong sa isang video na kaniyang ini-upload sa Facebook noong January 11 sa ganap na 10:30 ng gabi, matapos na di umano’y abusuhin ng kanyang amo at pagsamantalahan ng driver nito.
Ayon pa sa kanyang video, sinubukan na raw nitong humingi ng tulong sa kanyang agency, ngunit nabigong mai-rescue, kung kaya’t takot ang bumalot sa kanya at mga kamag-anak nitong naninirahan sa bansa. Kanilang hiling na mapauwi na ang kaanak sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Dahil sa nakalap na impormasyon, agad namang nakipag-ugnayan sa OWWA si Gng. Santos at mga kasamahan nito sa PESO para sa repatriation ng naturang OFW.
Sa kasalukuyan ay ligtas na ang OFW na pansamantalang naninirahan sa lugar ng kanyang kapatid sa Brunei habang pinoproseso ng OWWA ang plane ticket nito.
Samantala, hinihintay na rin ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng Philippine Embassy sa Brunei sa naturang kaso.