Isang training-workshop sa vlogging, newswriting, photography, social media management ang idinaos upang mas mapalawig pa at gawing mas epektibo ang kakayahan ng LGU sa pagpromote ng mga programa at proyekto nito sa mga Bayambangueño.
Ang training-workshop ay isinagawa sa Bayambang Polytechnic College (BPC) sa 3F Royal Mall sa loob ng dalawang araw noong June 21 at ngayong araw, June 22, 2024, sa tulong ng Quadcom Kreativ MultiMedia Production sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO) at BPC sa ilalim ni BPC College President, Dr. Rafael L. Saygo.
Aktibong nakilahok ang buong MTICAO at mga representante mula sa iba’t ibang departamento ng LGU at faculty at mga estudyante ng BPC na karaniwang naatasan sa paggawa ng mga news reports at photo at video documentation.
Naging resource speakers at trainors ang mga pinakamalalaking pangalan sa Pangasinan media at maging national media, sa pangunguna nina Mr. Orpheus ‘Butch’ M. Velasco, Managing Director ng Quadcom Kreativ at dating Public Information Officer ng Pangasinan provincial government, at Mr. Ronald Allan T. Sison, Presidente ng Federation of Provincial Press Clubs of the Philippines, Inc. at mas kilala sa AM radio bilang si ‘Dr. Heart.’
Tinalakay ni Ms. April Montes-Bravo, Assistant Regional Director ng Philippine Information Agency-Region I, ang “News Writing for Social Media.”
Nagshare naman ng kanyang mga nalalaman at malawak na karanasan sa photojournalism si Mr. Willie Lomibao, ang international multi-awarded photojournalist ng Philippine Daily Inquirer.
Naging paksa naman ni Mr. Rodz Manandeg, ang trending the vlogger na mas kilala bilang Pangasinan Nomad, ang “Content Creation Techniques for Social Media.”
Naglecture naman sa “Videography and Video Editing for TV News Production” si Mr. Jonathan Castro, ang dating Director ng GMA Regional News Group Dagupan.
Nagfocus naman sa “Social Media Management” si Mr. Chardie M. Villarama, Associate Project Manager ng APPEN Services Philippines.
Nagbigay din ng lecture si Sison ukol sa broadcasting, at tumulong naman sa critiquing si Velasco sa news writing, photojournalism, at vlogging output ng 50 attendees.
Dumating din si Mr. Gabby Villarama, isa pang multi-awarded advertising photographer at film director, sa pag-critique sa mga video outputs.
Ang training-workshop ay inisponsoran nina dating Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, at Mayor Niña Jose-Quiambao gamit ang pribadong pondo. (RSO; JMB, XG)